Sa mundo at mata ng mga bata, ang lahat ng bagay ay perpekto. Makulay at maganda ang kapaligiran. Mapagmahal; at makatuwiran ang bawat magulang. May tugon sa lahat ng suliranin. Ang sakit at luha ay napapawi sa simpleng yakap at halik ng ina.
Sa mundo ng mga bata, ang salitang
hindi ay lubos, ang
ayoko ay batas. Ang anumang kanilang ayawan o di sang ayunan ay hindi maaaring ipilit.
Sa mundo ng mga bata, makukuha nila ang anumang kanilang naisin. Hindi man nila sinasadya ang pag-iyak ay daan upang makuha nila ang kanilang gusto. At madalas sa hindi, ibinibigay natin ito sa kanila.
Sa mata ng mga bata, ang kanilang ina ay diyos. Larawan siya ng walang hanggang pagmamahal at pagkalinga. Hindi siya nauubusan ng pasensya. Si Itay naman ang kanyang tanggulan, ang haliging laging masasandigan, maasahan sa bawat panahon.
Sa mundo ng mga bata, ang lungkot ay isa lamang pahinga sa mahabang panahon o oras ng pagsasaya.
Nababago lamang ang lahat ng ito at nagsisimulang pumangit ang kanilang perpektong mundo sa oras na sila ay mamulat sa walang katuwirang pananakit, sa bawat hampas ng sinturon, sa bawat hataw ng tsinelas sa kanilang murang katawan. Ang paraiso ng kanyang musmos na pag-iisip ay unti-unting nasisira sa bawat sigaw at masasakit na salita.
Ang dating masayang mundo ay napapalitan ng gulo at ingay. Ang dating simpleng pag-iyak na naghahatid ng ginhawa sa kanyang nagugutom na sikmura ay hindi pala sapat, lalo na kung si Tatay ay nagumon sa alak at si Nanay ay naging abala sa tsismis. Hindi pala sa lahat ng oras ay nadadaan ang lahat sa "
hindi" at "
ayoko". Ang utos ni Tiyong ay hindi puwedeng sawayin dahil mahahataw ka ng tambo sa ulo.
Sa pagmulat ng kanilang kamalayan, makikita nilang unti-unti na hindi pala puro ganda at liwanag ang mundo, hindi puro tawanan at ngiti ang dulot ng bawat araw, at ang lungkot ay isa palang emosyon na maaaring madalas mong makasama.
Inaasahang tayo, bilang nakatatanda ang magtuturo sa kanila kung paano harapin ang buhay, na hindi lang isa ang mukha ng mundo. Na sa bawat landas na kanilang tatahakin ay may dapat nakahanda silang madapa at masaktan dahil hindi sa lahat ng panahon ay may magbabangon at kakarga sa kanila.
Ang perpektong mundong kanilang kinagisnan ay maaari pa ring manatiling maganda sa kanilang pananaw kung kanilang maiintindihan na hindi lahat ng maibigan ay maaaring ipilit, hindi lahat ng bagay ay maaari mong makuha. Kung ang pagbabawal ay may kalakip na mahinahong paliwanag, titimo sa isip ng bata kung ano ang tama at nararapat.
Ang pundasyon ng lahat ng mahahalagang bagay na matutunan ng bata at maghuhubog sa kung magiging sino sya sa kanyang pagtanda ay nakasalalay sa kanyang kinagisnang pagkabata. Sa isang banda, kung hahayaan mo ang perpektong mundo ang syang manaig, lalaki syang walang kinikilalang batas kundi ang sarili. Kung ang kamumulatan naman nyang mundo ay puno ng pananakit at pagmumura, wag nating asahang magiging mahinahon at magiging santo sya balang araw.
Hindi kailangang masaktan ang bata para maintindihan niyang mali ang kanyang ginagawa, hindi kailangan ng sinturon para lumatay ang isang magandang aral.
Sa mundo at mata ng mga bata, hindi pala lahat ng bagay ay perpekto, ngunit maaaring maging makulay at maganda ang kapaligiran. Mapagmahal at makatuwiran ang bawat magulang. Ipinadarama nila ito, hindi lamang sa pagbibigay ng layaw sa bawat bagay na kanilang naisin, kundi pati sa pagbibigay liwanag na nakasasama din ang labis, na ang hindi o hindi puwede ay hindi lamang basta pagtutol o pagbabawal kundi paghahatid ng paalalang tama na muna, sa susunod na lang, o mali ang iyong ginagawa.
Children Learn What They Live (1959)
Dorothy Law
If a child lives with criticism, he learns to condemn . . .
If a child lives with hostility, he learns to fight . . .
If a child lives with fear, he learns to be apprehensive . . .
If a child lives with pity, he learns to feel sorry for himself . . .
If a child lives with ridicule, he learns to be shy . . .
If a child lives with jealousy, he learns to feel guilt . . .
BUT
If a child lives with tolerance, he learns to be patient . . .
If a child lives with encouragement, he learns to be confident . . .
If a child lives with , he learns to be appreciative . . .
If a child lives with acceptance, he learns to love . . .
If a child lives with honesty, he learns what truth is . . .
If a child lives with fairness, he learns justice . . .
If a child lives with security, he learns to have faith in himself and those about him . . .
If a child lives with friendliness, he learns the world is a nice place in which to live . . .