Nabad-trip ako nung isang umaga, pagkagising kasi namin, may isang malaking kagat ng lamok si Jaden sa ilong. Nakakapikon di'ba? Sa lahat ng pwedeng kagatin bakit naman anak ko pa, di na lang ako. At bakit kase sa may ilong pa, pwede namang sa braso, sa binti, sa leeg. Sa lahat ng parteng puwedeng makagat dun pa sa kapansin-pansin
Minsan naiisip ko tuloy, ano nga ba talagang silbi ng lamok bukod sa i-balance ang food chain? Sabi nila pag nawala daw ang lamok mawawala ang mga palaka, at iba pang mas malaking hayop na kumakain dito. Dito talagang nababagay ang expression na "E ano ngayon?"
Sa madaling salita, napikon ako, inutusan ko ngayon ang kasama namin sa bahay na nag-aalaga kay Jaden, sabi ko "Hanapin mo nga iyong kumagat kay Jaden kagabi, patayin mo!"
Tiyempong nang umaga na 'yon ay hawak nya ang malupit na pamatay ng lamok. Ito ang katumbas ng silya-elektrika sa mga lamok. Kung ang katol at baygon na ini-ispray ay gas chamber. Ito ang electric chair para sa mga napatunayang nagkasala at nangagat ng batang inosente.
See Exhibit A:
Ito ang kagamitang kikitil sa pinaghahanap na puganteng lamok. Makatarungan nga ba na palayain na lang sya at hayaang mambiktima ng ilan pang inosenteng kabataan?
O hahayaan na lang ba syang lumipad at malayang makapameste dahil isang araw lang din naman ang buhay nya?
Lahat ng ito'y gumulo sa isip ko, tama nga ba ang aking iniutos?
Marahil kagaya natin, ang lamok na iyon ay gusto din lang mabuhay.
Naputol ang pagmumuni muni ko ng sinagot ako ni Joanna sya ang kasama namin sa bahay at naatasang magpataw ng karimari-marim na parusang kamatayan.
Ito ang sabi nya:
"Koya, hinde ko sya mahanap magkakamokha sila e!" "Pare-pareho lang halos ang lake!"